Thursday, March 19, 2009

rambling

Habang nag-jajog sa Burnham kaninang umaga, may nakita akong naka-paskil na Job Opening sa isang lamp post. Di kilala yung kumpanya pero kinuha ko pa din ang details. Sabi ko sa sarili ko, puwede na ko dito kahit encoder lang. Pagkatapos ma-reject ng tatlong beses sa mga nauna kong inapplyan, medyo nababawasan na ang pagka-choosy ko sa trabaho. Kaya pinuntahan ko nga yung office na nakalagay sa ad. Inexpect ko na maliit na kumpanya lang ang may-ari ng opisina pero disheartening pa rin nung makita ko ang itsura nito. Nagpasa ako ng resume pero di na ako bumalik para sa orientation at baka ma-involve pa ako sa kung anong dubious business. Hay. Sumakay na lang tuloy ako ng jeep pabalik ng plaza.

"Hay salamat, may pasahero na din," sabi nung driver ng jeep. Ako nga lang ang sakay kaya ininterview tuloy ako ni Manong. Nung malaman niyang taga-Bikol din pala ako ay kinausap niya ako ng Bikolano. Taga-Sorsogon daw siya. Ano daw ginagawa ko dito sa Baguio. Siguro daw ay bigo ako sa pag-ibig kaya ako andito. Masyado ko raw siguro dinibdib ang nangyari. Siya daw 25 years nang kasal sa asawa niya pero di daw siya marunong magmahal. Di daw kasi siya naniniwala na dapat amuhin ang babae dahil sabi daw ng Diyos, woman was made for man, kaya sa kanya daw talaga ang babae kahit ano pang mangyari. Ang dami niya pang sinabing "words of wisdom" at muntik na sumakit ang ulo ko. Traffic kasi at pagod na ko maglakad kaya wala akong magawa kundi makinig sa kanya. Di pa siya nakuntento sa pag-psychologize niya sakin. Sabi niya, siguro daw ako ang taong takot magkamali. Siguro daw lagi kong pinipiling gumawa ng tama kaya pag may maling nangyayari, nasasaktan ako't di ko na alam ang gagawin ko.

Gusto ko sanang sabihin kay Manong na mali ang iniisip niya. Di ako takot magkamali. Siguro nga sa sobrang di ako takot kaya ako laging nadadapa. Pero tama siya sa isang banda. Masakit nga talagang isipin na nakatira tayo sa isang imperfect world. Napaka-unfair kadalasan ng buhay. Nagmahal ka ng sobra pero iiwan ka din. Nag-aral ka ng mabuti pero di ka matanggap-tanggap sa trabaho. Hay. Bitter Ocampo mood.

Bago ako bumaba, may pahabol pa si Manong. Sabi niya ang sikreto daw ng buhay dito sa mundo ay simple lang: "Paglaruan mo lang, wag mo masyadong seryosohin." Ayos. May point nga naman siya. Parang lyrics lang ng kanta ni Ben Lee ("Float On") at ni Jem("It's Just a Ride"). Ngumiti ako. Ok Manong. Salamat po.